Nellie Boustead

Mataas-angisip, Mariwasa at Makatwiran



Isa sa mga nakilala ni Rizal sa Paris, sa pamamagitan ni Antonio Luna, ang mayamang Anglo-Pilipinong si Eduardo Boustead. Napangasawa niya ang isang Pilipina mula sa kilalang pamilya sa Maynila at may dalawang anak na babae. Napakakimi ng mas bata sa dalawang babae, si Nelly, ngunit may katangian siyang tahimik na nagungusap kay Rizal.

Pilipina ang turing ni Nelly Boustead sa sarili bagamat isa siyang mamamayang Ingles. Mas makisig siya kaysa maganda, may determinadong bibig, matapang na ilong, at babang tulad ng sa kanyang lolo. Tanggalin ang kanyang mata at buhok, at mukhang lalaki na ito. May pagkamatikas siya kapwa sa ayos at katangian. Nag-eenjoy siya sa mga isport panlalaki at mahusay sa mga ito. Sa katunayan, nakikipagfensing siya kay Rizal sa istudyo ni Juan Luna.

Sa kabila ng panlabas na katangiang ito, mapag-isip si Nelly. Tulad ni Rizal, likas siyang relihiyosa at nangingibabaw sa kanya ang dangal. Muli tulad ni Rizal, galing siya sa isang pamilyang malapit na malapit sa isa’t isa. Isa siyang binibining intelektwal na hindi basta basta nahahatak sa mga pananaw ng ibang tao o naiimpluwensyahan ng kariwasaan ng ama. Sa lahat ng mga babae sa buhay ni Rizal, siya ang pinakamalapit sa kanya sa karakter.

Sa palagay ng mga kaibigan ni Rizal interesadong-interesado si Rizal kay Nelly, siguro umiibig na. Subalit nararamdaman ni Rizal na may isang malaking hadlang sa katauhan ni Antonio Luna. Sa isang prangkang liham na sinulat ni Luna sa kanya, sinabi nitong hindi nila dapat hayaang maging biktima sila ng maling palagay sa isa’t isa. Kapwa sila interesado kay Nelly subalit sa tingin ni Anotnio Luna mas nakalalamang itong si Rizal at sa banding huli ay nagparaya na rin.

Sa Gitna ng Kanyang Kalungkutan (1890-1891)

Matapos ang pakikipagkalas ni Leonor at tunggalian nila ni del Pilar sa Madrid, natagpuan ni Rizal ang sariling pinapayuhan ng kung sinu-sino na alokin nang magpakasal ang mayaman at kaakit-akit na si Nelly, na sa paniwala ng marami ay magiging ideyal na asawa para sa kanya. Siya rin marahil sa gayung malulungkot na sandali, masidhi ang pagkadama ng pangangailangan ng kapiling na babae. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa sa pakikipagsulatan kay Nelly.

Nilisan ni Rizal ang Madrid at nagtungo sa Biarritz. Doon isang buwan siyang nanigilan bilang bisita ng pamilyang Boustead, pinahilom ang mga ‘kalmot ng kaibigan,’ inayos-ayos ang kanyang mga naiisip, nagpatuloy sa kanyang pagwawasto, at niligawan si Nelly.

Mahal nga ba talaga niya si Nelly Boustead? Si Nelly mismo parang nakadaramang wala nga itong pagsinta, ngunit hindi niya tiyak. Tunay na gustung-gusto niya naman si Rizal, subalit hindi pa rin siya sigurado. Bagamat heredera ng siguradong yaman si Nelly, nilinaw naman ni Rizal na hindi siya mag-aalok pakasal, o ng pagiging katipan, hanggang wala siya sa posisyong kaya niya mismong pinansiyal na sumuporta. Mukha naman talagang mahal siya ni Rizal, pero hindi makatkat sa kanyang isipan na ang gusto lang ni Rizal ay kaginhawaan at pagkanlong; at saka hindi siya sang-ayon sa mga pananaw ni Rizal sa relihiyon.

Ang Kondisyong Inilatag ni Nelly

Protestante si Nelly. Nangako siyang maghihintay hanggang handa na si Rizal na hingin ang kamay niya sa kanyang mga magulang, pero sa isang kondisyon: ‘yakapin niya ang Kristiyanismo ayon sa aking pagkaunawa at kung paano ito dapat maunawaan ng lahat ng hindi makagagawa ng mabuti kung wala ang Kanyang tulong at Kanyang grasya.’

Bago siya umalis ng Biarritz, ipinaalam na ni Rizal kay Eduardo Boustead ang kanyang mga intensyon. Malinaw na nagsabi ang amang bibigyan sila ng suporta, o sisiguraduhing maalwan ang buhay nila. Ito na marahil ang pinakamahusay na prospek ng yamang nakaharap ni Rizal.

Ngunit pagkaalis niya ng Biarritz, dinagil-dagil na siya ng mga pagdududa. Sa isang liham kay Nelly mula Paris, pinag-aalinlanganan niya ang katapatan ng kanyang pangakong maghihintay ito, dahil sa kondisyong ipinataw nito sa kanya. Gitlang-gitla si Nelly sa pagkasabing ito ni Rizal, pero handa pa siyang pakasal dito. Nalungkot siya sa pasaring na pinapangako niya si Rizal dahil lang sa kapritso, kaya natanto niyang kailangan na niyang tiyakin ang lahat. Tanong niya kay Rizal:

Pumapayag ka na ba? Dahil hindi ko na hihinging sulatan mo ako simula ngayon, bibigyan pa kita ng isang pagkakataon, kung tatanggapin mo. Isipin mong mabuti ang kondisyong ipinataw ko at ipapataw kong palagi sa iyo. Kung makukumbinse ka, pumarine ka nang gayon at mag-usap tayong masinsinan. Sa ganitong paraan walang di-pagkakaunawaan.

Nagpatuloy ang pagsusulatan, subalit ayaw bumigay ni Rizal. Kung tutuusin isa na iyong mahinahong paghihiwalay ng magkaibigan.
Mga katangiang hinahangaan ni Rizal sa kababaihan ang katatagan at katapatan, kapwa nagsasaad ng determinasyon. Ngunit hindi siya taong madaling magpadala sa determinasyon kung hindi ito kapareho ng kanyang direksyon. Magkatuwang ang mga katangian nila ni Nelly Boustead, subalit mahuhulong magkakahirapan kung sila ang magkakatuluyan. Alam ni Rizal na mas Katoliko siya kayasa sa pagkabasa ni Nelly, ipinamalas niya kalaunan sa isang sulat kay Pastells, kung saan tinuran niya ang pangyayaring ito nang hindi bumabanggit ng pangalan:

Tungkol sa pagiging Protestante---kung alam lang ng Inyong Reverensya kung ano ang aking nawala sa hindi pag-ayon sa mga ideyang Protestante, hindi niya ako pagsasabihan ng ganoon. Kung hindi ko palaging iginagalang ang ideya ng relihiyon, kung tinuring ko lang ang relihiyon, para sa akin, bilang isang agham ng kaginhawaan o isang pakana para mapabuti ang aking sarili sa buhay, sa halip na kawawang ipinatapon, disin sana’y mayaman na ako, malaya, at nakikita ang sariling natatabunan ng karangalan.
-Jose Rizal, Dapitan





Magbalik sa Rizal Romantiko